SECRET FILE: Pam


Mar 29, 2018 at 6:51 PM
Posted by : Marie Li
Filed Under : Secret Files

Pinanganak ako sa isang tahimik na lungsod, At Bata palang ako ang dami dami kong pinagdaanan.

Hindi ko maintindihan kung bakit ramdam kong malupit talaga yung tadhana saakin. Pinanganak ako sa mahirap na pamilya.

Yung bahay namin, sementado kahit maliit pero lupa yung sahig at papag at lang ang nagsisilbing higaan. Sa awa ng Diyos, may trabaho naman noon na maayos ang mama ko dati kaya hindi naman kami hikahos talaga noong bata pa ako.

Tatlo kaming magkakapatid, panganay ako at yung dalawang sumunod saakin ay anak ng mama ko sa pangalawa nyang asawa. Dahil hindi ganon ka ayos ang buhay namin, isang taon akong late noong nag aral ako sa elementantarya.

Aaminin ko, hindi din ako ganon katalino sa klase. Pakiramdam ko nga ang malas malas ko eh. Iniisip ko noon na wala namang binigay na blessing si lord sa akin.

Wala akong talent, wala akong maipagmamalaki. Hindi pa ako maganda at maagang nawalan ng puri dahil sa kagagawan ng step father ko. Oo, ginagahasa nya ako ng hindi alam ni mama. Kaya siguro anlaki ng galit ko sa mundo noon.

Grade 4 ako noon ng makilala ko si Pam, Wala akong kaibigan sa school. Wala naman kasing pumapansin sa akin sa loob ng klase. Ako yung loner, weird at hindi madalas kinakaibigan dahil siguro sa itsura ko at sa naninilaw kong uniporme.

Nasanay na ako sa ganoon. Pero iba si pam, palakaibigan sya sa lahat. Aaminin ko, nahusgahan ko sya nung una. Kung tititigan, mahahalata mo na agad na may lahing foreigner sya dahil siguro sa mata nya at sa pagiging mestisa at pagkakaroon ng mahaba at kulot na buhok.

Maganda sya, kahit hindi ko aminin at alam mo na agad na may kaya sila sa buhay. Hindi ko alam kung bakit ako nainis noon. Siguro dahil nasakanya yung buhay na gusto ko para sa sarili ko.

Noong una nasabi ko nalang sa sarili ko na "malamang maganda lang pero walang laman ang utak." "Pokpok siguro ang nanay neto kaya nabingwit ng foreigner at sya ang bunga" Dumaan ang mga araw, napatuyan kong mali ako.

Aktibo sya klase, matalino sya lalo na sa math. At Matatas magsalita ng ingles na hindi mo aasahan sa isang grade 4 student ng public school at nasa huling section pa. Halos lahat ng teacher namin ay nagtataka kung bakit napasama sya sa last section gayung mga 'bopols' na estudyante kagaya ko ang nasa section na iyon.

Ang sabi sa chismis ay transfer daw na huling nagpaenroll at wala ng bakante sa ibang section. Dumaan ang mga araw, nangunguna sya sa klase. Ang daming nagkakagusto sakanya.

Saglit palang syang nag aaral sa public school pero mas madami pa syang naging kaibigan noon. Natapos ang first grading at kadulad ng inaasaan ng lahat. Top 1 sya.

Aaminin ko. Naiingit ako. Naiinis ako sa kanya kahit wala syang ginagawa. Galit ako sakanya at sa tadhana dahil lahat ng gusto ko, nasa kanya. Lahat ng hiniling ko sa buhay ko, nasa kanya.

Sa palagay ko kasi nasakanya na lahat. Na napakaperpekto ng buhay nya. Maganda sya, matalino, may kaya sa buhay, kumpleto ng gamit sa school. Hatid sundo ng mama nya. Mahal ng magulang, laging may masasarap na baon at pagkain. Maraming kaibigan at gusto ng mga guro. Ni hindi ko nga alam kung bakit nasa public school sya.

Parang ang saya saya ng buhay nya. Parang wala syang pinoproblema. Eh ako? Lahat ng meron ako salungat saknya. Madalas ko syang irapan non ng walang dahilan. Sya naman mukang nagtataka lang kung bakit.

Hanggang isang araw, recess non. Sanay na kong dudukduk nalang sa mesa dahil ayokong gastusin ang limang pisong baon ko. Naramdaman kong may umupo sa tabi ko. Nasa likod kasi ako nakaupo noon. Naramdaman kong may kumalabit at ng mag angat ako ng ulo, nakita ko syang nakangiti ng malapad "kain ka oh, share tayo sa baon ko" nakita ko ang baon nya, may sandwhich, bisquits, chuckie at chocolate na mukang imported.

Inalok nya saakin yung chuckie. Kahit ayaw ko, bata lang din ako non. Naglalaway sa matatamis na pagkain. Dahan dahan kong inabot iyon. Nahihiya man pero gustong gusto kong matikman iyon dahil kahit kelan, hindi pa ko nabili ng mama ko noon.

Ang daldal nya non. Ang dami nyang kinukwento tungkol sa alaga nyang rabbits na sila robby at bunny at kung ano ano pang wala namang kwenta. Walang kwenta pero nakita ko na lang sarili kong nakangiti sa mga pinagsasabi nya.

Mas bata pala sya sakin ng dalawang taon dahil accelarated sya. Lumipas ang mga araw, buwan at taon, naging malapit kami sa isat isa. Naiwan man ako sa last section, at napunta sya sa 1st section, madalas syang bumibisita sa bahay namin.

Sabay pa din kaming umuuwe. At madalas na din ako sa bahay nila. Hindi katulad ng una kong inisip, hindi foreigner ang papa niya. Ang mama nya ay may halong espanyol at Ang papa nya naman ay pilipino.

May tatlo syang kuya at nag iisang babae lang. Ang isang kuya nya noon ay nasa law school na, at ang dalawa naman ay nag aaral ng pre-law. Kahit si pam noon ay nagbabalak din mag abogado.

Nakatutuwang isipin na lahat sila balang araw ay magiging abogado. Malugod akong tinatanggap ng magulang nya. Kadalasan sabay sabay pa kaming kumakain sa hapag. Bagay na kahit kelan hindi ko naranasan sa sarili kong pamilya. Iyong magdadasal bago kumain. Sabay sabay Manood ng tv habang may merienda. Magtatawanan. Tuturuan kaming magluto ng mama nya. Yung kulitan, tuksuhan at asaran nilang magkakapatid.

Hindi ko rin nakakalimutan yung mga tulong ng mama at papa nya. Binibigyan ako ng baon, binabaunan ako sa school, kung minsan binigyan ako ng damit, sapatos at mga gamit. Madalas din sa outing nila sinasama ako. Puro masasayang ala ala lang ang naaalala ko kapiling sila. Doon ko naramdaman na ganon pala ang pakiramdam ng may pamilya..

Sila ang naging takbuhan ko sa mga oras na binubugbog ako ng asawa ng mama ko. Sya yung nasasandalan ko sa oras na malungkot ako dahil sa masasakit na salita ng mama ko sakin. Ayaw na kong pag aralin ng highschool ng mama ko kaya sila ang napaaral saakin.

Ako, ordinaryong hs lang ang kinaya ng utak ko pero pero si pam, naipasa nya ang exam sa isang science highschool. Naaccelerate sya ulit ng isang taon sa eskwelahang iyon pero hindi iyon natapos doon. Patuloy syang nakitaan ng potensyal at inalok ng scholarship sa america.

Tinanggap nya iyon dala ang pangarap na maging isang abogado. Kahit malayong malayo ang antas ng buhay niya sa akin. Hindi ito naging hadlang. Sinasabay ako sa pag pasok, at kung minsan ay naglalakad kami pauwe para mas may oras kami sa isat isa.

Ang swerte swerte ni pam kung tutuusin. Pero narealize ko na mas swerte ako nung makilala ko sya. Namatay ang mama ko at napunta ako sa kung kani kaninong kamag anak. Dinala ako sa probinsya ng hindi man lang nakakapag paalam kay pam at sa pamilya nya.

Naging alila at madalas na minamaltrato pa. Kung kani kanino ako natutulog. Nagtrabaho sa palengke, karinderia nagbenta ng plastic at kung saan saan pa. Ang mga kapatid ko ay nahinto sa elementary habang ako naman ay 2nd year highschool lang ang natapos. Hindi ako nagkaroon ng pagkakataong makontact sila.

Sa edad na 17, nabuntis ako sa una kong anak. At sinundan din agad ng isa pa pagkatapos ng anim na bwan. Tindera ako sa karinderia noon ngunit kelangan kong tumigil at construction worker naman ang naging nobyo ko.

Ang dami kong pinagdaanan at aaminin ko, lalong humirap ang takbo ng buhay ko. Sa dami ng nakilala at nakasalamuha ko, wala akong naging kaibigan katulad ni pam. Siyam na taon na simula nung huli kaming magkita. Bumisita ako sa bahay nila pam at Nalaman ko hinanap pala nila ako nung bigla akong nawala. Na sana daw nagsabi ako para naayos yung papeles ko at legal na inampon sana ako.

Nakakamiss sila, sabi sakin ng mama ni pam na dalawa sa kuya nya ay abogado na at ang isa naman ay nagrereview na para sa exam sa pagiging abogado.

Si pam? Hindi sya nagtuloy sa pagiging abogado. Pagkatapos nya ng highschool sa america ay ayaw nang umuwi ng pilipinas. Nang tumungtung sya sa edad na 18, nagpakasal daw agad ito sa isang medical student na limang taon ang tanda sa kanya.

Matagal na din daw silang magnobyo kaya ayaw iwan ni pam ang america. Kahit ako ay nagulat dahil biglaan iyon at hindi ko inaakalang hindi sya mag aabogado dahil alam kong pangarap nya iyon sa simula palang.

Ang sabi sakin ng mama nya, Hindi daw nya napapayag ang asawa nya na kumuha ng law dahil pamilya ng mga doctor ang napangasawa nya. Kahit hindi ko alam ang buong detalye, nakita ko sa mga litratong ipinakita ng mama ni pam na mukang masaya naman sya sa ginagawa nya ngayon. Ilang taon nadin daw silang kasal pero nag hihintay pa ng anak.

Hindi daw gaanong nakakausap si pam dala na din na kulang oras at abala ito sa medical school. Oo. Nag aaral ngayon upang maging doctor si pam. Ilang taon nalang ang bubunuin nya at magiging doctor na din sya. Ang asawa nya, Isa nang neurosurgeon. Lalo syang gumanda at hindi mapagkakailang gwapong doctor ang napangasawa nya.

Pero hindi gaya ng dati, hindi na ko naiinis sa mga naabot nya sa buhay. Bagkus, ako ay proud sa lahat at narating nya dahil para sakin, lahat iyon ay deserve nya.

Hi bes! Miss na miss na miss na miss na kita pam! Tama na muna ang medical mission! Bisitahin mo naman kami dito ni mama mo.

Sana magkita tayo ulit. Sana din wag ka madissappoint na wala akong narating buhay. Pero isa lang ang maipagmamalaki ko sayo, hindi sasapitin ng mga anak ko yung sinapit ko.Na lahat ng ipinaramdam ng pamilya mo sakin?

Ganon ang ipinararamdam ko sakanila. Utang na loob ko sayo lahat. Tinuro mo saakin na kung hindi ko kayang baguhin ang buhay ko? Maging daan nalang ako para mabago ang buhay ng iba.

Mahal kita kaibigan!

 

SECRET FILE SENDER:

Moely Moe


Mar 29, 2018 at 6:51 PM
Posted by : Marie Li
Filed Under : Secret Files